PatrolPH

Eroplano bumagsak sa resort sa Calamba City

ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2019 04:55 PM | Updated as of Sep 01 2019 06:19 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) — Isang private plane ang bumagsak sa isang resort sa Barangay Pansol, Calamba City, Laguna bandang alas-3 ng hapon Linggo, batay sa ulat ng mga awtoridad.

Nangyari ang plane crash sa Miramonte Village, Purok-6, sa isang private resort.

Sugatan ang mag-inang caretakers ng resort na sina Malou Roca, 40, at John Rey, 20, pero agad naman silang naisugod sa ospital.

Isang bangkay na ang narekober ng mga awtoridad, na hinihinalang isa sa mga pasahero.

Galing sa Dipolog City ang eroplano at papunta sanang Maynila lulan ang 9 tao para sa medical evacuation. Kabilang sa mga pasahero ang isa umanong pasyente, nars, doktor at ang piloto.

Patuloy ang paghahanap sa iba pang sakay ng eroplano.

Sabi ni Calamba City public information officer Jeff Rodriguez, nasa ere pa lang ang maliit na eroplano ay pagewang-gewang na ito at unti-unting nagpipira-piraso.

Patuloy ang imbestigasyon ukol sa insidente.

—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.