5 nasagip sa lumubog na bangka sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2019 03:16 PM

Kuha ng Calaca Municipal Risk Reduction Management Office

Nailigtas ang 5 mangingisda matapos lumubog ang kanilang bangka sa karagatang sakop ng Calaca, Batangas nitong Sabado ng hapon.

Ayon kay Leo dela Cerna, operator ng bangka, nasira ng malalakas na hampas ng alon ang kahoy na sumusuporta sa elisi ng bangka. Nabutas ito at pinasok ng tubig.

Isa sa mga mangingisda ang nakatawag sa cellphone ng asawa kaya nakahingi ng tulong sa mga awtoridad.

Sumaklolo din sa kanila ang mangangawil na si Lito Marcial para madala sa mas mababaw na bahagi ng dagat ang nasirang bangka.

Rumesponde sa insidente ang Municipal Risk Reduction Management Office ng Calaca at Lemery.

Kahit walang bagyo, malalaki ang alon sa karagatan ng Batangas dahil sa habagat. Payo ng local disaster officials, ipagpaliban munang pumalaot para iwas-sakuna.

Samantala, kinumpirma ng barangay chairman ng Wawa Ibaba, Lemery na kolorum ang lumubog na bangka.

Sa kabila nito, bibigyan ng tulong ng barangay ang 5 mangingisda.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.