PatrolPH

SOCO: Babae patay matapos umano itulak sa tricycle ng dating kinakasama

ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2018 03:42 PM

 

Binawian ng buhay ang 22-anyos na si Nikka Mae Pasiliao matapos "mahulog" sa sinasakyang tricycle noong Pebrero 19, 2018. 

Massive intracranial hemorrhage o pagdurugo sa utak dahil sa pagkabagok ng ulo ang ikinamatay ng biktima, ayon sa medico legal report.

Ayon sa dating kinakasama ng biktima na si Jake Rosalin, nakipagkita raw si Pasiliao noong gabing ‘yon para bisitahin ang kanilang anak. 

Naghiwalay ang dalawa matapos ang limang taong relasyon dahil umano sa pananakit ng lalaki.

Ayon sa salaysay ni Rosalin, nakaupo ang kaniyang mag-ina sa loob ng sidecar habang minamaneho niya ang tricycle. Habang binabagtas ang kahabaan ng kalsada ng Sitio Saipan sa Mangaldan, Pangasinan, bigla na lang daw nagalit si Pasiliao.

“Yung asawa niya, nagsisigaw-sigaw daw. Nagsisigaw-sigaw na siya, bigla na lang tumalon,” sabi ni SPO3 Jhonny Silan, chief investigator ng Mangaldan police.

 TINULAK?

Duda naman ang pamilya ng biktima maging ang mga imbestigador na humahawak sa kaso.

“Ano bang nangyari sa’yo? ‘Mama, tinulak ako ni Jake sa tricycle.’ Narinig nung doktor ‘yun kasi may lumalabas sa bibig niya dito parang bula,” ayon sa ina ng biktima na si Ana Lea Pasiliao.

Idinetalye naman ng isang potensyal na testigo ang buong pangyayari. Sa panayam, pilit daw isinakay ni Rosalin si Pasiliao sa tricycle.

“Nakita ko silang nag-aaway sa may tabi ng police station. Tapos nakita ko, hinila-hila ni Jake. Tapos ilang minute lang, dumating 'yung tricycle,” kuwento ng testigo na si alyas "Berting."

Dumating ang tricycle na may sakay na dalawang lalaki, isang driver at isa sa likod nito.

“Nung umaandar na 'yung tricycle, biglang-bigla na lang tumilapon si Nikka. Nung nakita ko, tinulak ni Jake. Ayun, nagpagulong-gulong sa kalsada,” patuloy na pagsalaysay ni Berting.

Hindi na raw nagawang tulungan ni Berting si Pasiliao dahil sa takot.

Nagtaka naman ang mga awtoridad sa naging aksyon ni Rosalin noong mangyari ang insidente.

“Nagrereklamo 'yung victim na nahihilo siya. Nasusuka, hindi man lang nila ito naisip na dalhin ito sa ospital,” ani Gonzales.

“Lumalabas sa investigation namin dito, ang gusto ng babae makita, makasama at mayakap lang 'yung anak. Pero itong lalaki, gusto niyang i-uwi ‘tong babae,” dagdag ng officer-on-case.

Dahil sa mga nakalap na ebidensiya, sinampahan ng kasong homicide si Rosalin. Kasalukuyan siyang nakapiit sa Mangaldan detention cell. 

Iginigiit nito ang una niyang naging pahayag.

Hindi rin daw nagawang dalhin ni Rosalin ang dating kinakasama sa ospital dahil sa pagnanais ng biktima na magpahinga.

Naninindigan naman ang pamilya ng biktima na siya ang may kasalanan sa pagkamatay ni Pasiliao.

“Imposibleng aksidente ‘yan kasi alam ko 'yung anak ko. Masayang-masaya po siya nung time na nakalaya siya kay Jake. Napakasama niya. Wala siyang takot sa Diyos,” ani Ana Lea.

Mapapanood ang buong kuwento nina Nikka Mae at Jake sa "SOCO" ngayong Agosto 25, Sabado, 4:15 p.m. pagkatapos ng "Ipaglaban Mo!" sa ABS-CBN.

Sundan ang "SOCO" sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.