Bagong silang na sanggol natagpuan sa loob ng sako sa Dumaguete

Annie Perez, ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2022 09:28 AM

Isang bagong silang na sanggol ang natagpuan sa loob ng sako na iniwan sa gilid ng kalsada sa Barangay Looc, Dumaguete City nitong Martes.

Ayon kay Flor Cornelia, attending nurse ng birthing center ng lungsod, ang barangay captain mismo ng Looc na si Angelita Ragay ang nakarinig ng pag-iyak na galing sa loob ng sako.

Agad itong dinala sa birthing center at kanilang nilinis ng mga nurse.

“May dugo pa at nakita namin ang umbilical cord ay pwersahan na tinanggal. Parang kutsilyo ang ginamit,” ani Cornelia sa Cebuano.

Nasa 6 lbs. ang timbang ng baby girl na tinawag nilang “Baby Angeling” na hanggo sa salitang “anghel”.

Base sa kanilang checkup, nasa 8 months at 3 weeks old ang sanggol kaya premature ito. Kulang din siya sa timbang, ayon kay Cornelia. 

Ibibigay nila ang kustodiya ng sanggol sa DSWD Dumaguete City. Nanawagan naman ang birthing center ng ayuda para sa natagpuang bata.

Wala rin silang pagkakakilanlan sa ina ng bata na sinusubukan ding hanapin ngayon ng City Health Department.