MAYNILA — Ang Pharmally Pharmaceuticals ang kompanya na nababangit sa imbestigasyon ng Senado na ginawaran ng pamahalaan ng bilyon-bilyong halagang kontrata para sa medical supplies noong 2020.
Ayon sa mga articles of incorporation ng Pharmally sa Securities and Exchange Commission (SEC), narehistro ito noong September 2019 lang.
Ang chairman nito ay isang Huang Tzu Yen na may kontrol ng 40 percent ng kompanya.
Nakalagay sa articles of incorporation na siya ay isang Singaporean at nakasaad na foreign-owned ang shares na hawak nya. Pero sa ibang pahina ng dokumento, nakalagay na siya ay Pilipino.
Noong 2019, walang kinita ang kompanya pero biglang sumipa ito noong 2020 nang pumutok ang pandemya.
Pumalo ang sales nito sa P7.5 billion habang ang net income ay umabot ng P265 million.
Para sa certified public accountant o CPA at tax expert na si Mon Abrea, nakapagtataka ito lalo na't P600,000 lang ang start-up capital o halaga ng kompanya noong 2019, kung kailan nagrehistro ito sa SEC.
Kaya pagtataka niya, paano nito kinayang bumili ng mahigit P7 billion na imbentaryo para mag-supply sa gobyerno?
"Mapapansin natin na zero inventory in 2019, with P600,000 in probably cash as initial capital. Pero nag-purchase sila ng P7.2 billion inventory... In less than a week na-dispose niya ang inventory nila. Hindi siya usual for any company. As an accountant those are the numbers na mapapansin mo," sabi ni Abrea.
Para kay Abrea, mahirap paniwalaan na ang kompanyang ganong kaliit ay nakakuha ng mga kontrata na may halagang bilyones mula sa gobyerno
Base rin sa mga dokumento na isinumite ng Pharmally sa SEC, maliit lang ang utang nito matapos ang 2020 o P1.7 million kumpara sa imbentaryong nagkakahalaga ng lagpas P121 million.
Ang tanong ni Abrea, saan nanggaling ang pera nila para makabili ng mga medical supplies?
Mula sa pagkalugi ng P25,550 noong 2019, sumirit ang kita ng Pharmally sa halos P265 million noong 2020.
At mula sa zero na benta noong 2019, halos P7.5 billion ang sales nito noong 2020.
Sinubukan ng ABS-CBN News na tawagan ang nakalistang contact person ng Pharmally sa mga dokumento nito sa SEC pero ibinaba nito ang telepono at sinabi lang na "busy" siya.
Hindi na rin ito tumugon sa email at text message at hindi naman gumagana ang ilang email at landline ng kompanya.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.