PatrolPH

Dating sangkot sa 'rent-sangla', arestado ulit sa katulad na scam sa Muntinlupa

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2021 08:09 AM | Updated as of Aug 31 2021 08:32 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Balik-kulungan ang isang babae dahil sa reklamong pagbebenta o pagpapaupa ng umano'y pekeng bahay sa Muntinlupa City.

Ayon sa Southern Police District, inaresto ang 40-anyos na si Catherine Gumarang sa entrapment operation ng Muntinlupa City Police sa isang mall sa lungsod Lunes.

Nagreklamo kasi ang isang security guard na inalok siya ng suspek na bilhin ang aniya'y pag-aaring tirahan.

Nakapagbayad na ng P50,000 ang biktima pero nadiskubre niyang may iba pang tao na binentahan din ng inaalok ng bahay.

Isinagawa ang entrapment operation nang makipagkita ang biktima sa suspek para mag-abot ng P50,000. 


Noong Marso 2018, isa si Gumarang sa 5 babaeng inaresto ng Sta. Mesa, Manila police dahil sa "rent-sangla" o "sangla-tira" modus.

Inalok nila sa mga biktima noon na mamuhunan sa mga relocation housing units sa Taguig kapalit ang porsyento kapag nagbayad na ang mga titira.

Pero inireklamo na sila nang nalamang isinangla rin pala ang unit sa ibang tao.

Nahaharap ngayon si Gumarang sa kasong robbery extortion at nasa kustodiya ng Muntinlupa Police. 

Muling nagpaalala ang pulisya sa mga nagbabalak bumili o magrenta ng tirahan na alamin kung lehitimo ang transaksyon pati ang ahente at nagpakilalang may-ari. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.