PatrolPH

Tulong bumuhos para sa Cavite student na naglalako ng isda para makabili ng gadget pang-online class

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2020 06:17 PM

Bumuhos ang tulong sa isang Grade 12 student mula Rosario, Cavite na naglalako ng isda para makabili ng cellphone na gagamitin sa online class.

Ipinalabas noong nagdaang weekend sa "TV Patrol" ang kuwento ni Ella Mae Fernando, na nasiraan ng cellphone matapos mahulog ito sa dagat.

Marami ang naantig ang puso at tumulong kay Fernando para magka-cellphone, tulad ni Rona Odvina, isang overseas Filipino worker sa Qatar.

Ayon kay Odvina, nakita niya ang sarili kay Fernando.

"Noong kabataan ko, katulad din niya na kailangan ko rin magtinda para makabili ng mga pangangailangan sa araw-araw," ani Odvina.

Labis naman ang pasasalamat ni Fernando ngayong may cellphone na siya, na magagamit sa pag-aaral.

"Maraming salamat po kasi ngayon po, magiging maayos na ang pag-aaral ko," aniya.

Bukod kay Odvina, mayroon ding nag-alok na magbigay ng tablet kay Fernando.

Umabot na rin sa P25,000 ang pera na natanggap ni Fernando na magagamit niya para masuportahan ang kaniyang pag-aaral.

"Itong pera po, gagamitin ko sa negosyo para umikot 'yong pera, para hindi po mawala, para may pangsustento din po sa pag-aaral ko," ani Fernando.

Nagpasalamat ang ama ni Fernando sa mga nagpaabot ng tulong.

Honor student si Fernando, at nangako siyang lalo niyang pagbubutihin ang kaniyang pag-aaral at hindi niya bibiguin ang mga tumulong sa kaniya.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.