PatrolPH

Travel agencies umaaray sa hirap ng paniningil sa airlines para sa cancelled flights

Jacque Manabat, ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2020 05:47 PM | Updated as of Sep 01 2020 10:56 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Nasa higit 30 tao pa rin ang stranded na pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) hanggang nitong Lunes habang unti-unting balik operasyon na ang mga domestic flights sa paliparan.

Kaya ang iba, hindi na nakapaghintay pa at mas pinili na lang ang ibang uri ng transportasyon kaysa magbakasakali sa mga airline.

Ang asawa at anak ni Mary Jane Bunagan, hindi na nakatiis sa NAIA at bumili na lang ng ticket sa Ro-Ro para makauwi sa Iloilo.

Naiwan sa paliparan si Bunagan at 2 apo dahil mas pinili nilang mag-eroplano. Iyun nga lang, 8 beses nang nakansela ang flight nila.

Pero ang refund para sa flight ng asawa at anak ni Bunagan, hindi pa rin maibalik ng travel agency na pinagkuhanan nila.

"Pati panggatas ng apo ko ubos na... Matagal na yan, sana nagamit namin," ani Bunagan.

Pero ayon sa grupo ng mga travel agencies, maging sila ay ipit sa paniningil ng travel refund mula sa mga airline.

Kung susumahin ang dapat na ma-refund sa travel agencies mula nang magkaroon ng sunod-sunod na kanselasyon dahil sa pandemya, maaaring umabot pa raw sa bilyong piso ito.

Malaking bahagi nito, mga domestic flights.

"Dito talaga 'yung nahihirapan… 'yung iba inaabot nang 5 buwan which is really quite unreasonable length of time na... Medyo may katagalan na ng panahon para ma-process yung refund," ani Ritchie Tuaño, presidente ng Philippine Travel Agencies Association (PTAA).

Higit 400 travel agencies na ang nagsara dahil sa epekto ng pagsasara ng mga border o mga lockdown.

Hirap din daw sila sa paniningil sa mga airline.

Ayon sa mga local airline, patuloy ang pagpoproseso nila sa mga refund.

Sa pahayag ng Cebu Pacific, bulto-bultong refund requests na ang kanilang natanggap at dahil sa dami, tumatagal ang pagproseso nito.

Humihingi rin sila ng paumanhin sa kanilang mga customer.

"We sincerely apologize to our customers for this delay. Rest assured that we are continuously improving our backend processes in order to expedite refund. We are also working with our agency partners so they are fully apprised of any developments."

Makikipagtulungan naman ang AirAsia Philippines sa grupo ng mga travel agency sa pagproseso ng refund.

Sinisiguro nilang maibabalik ang kanilang pinambili sa nakanselang ticket.

"AirAsia Philippines will closely coordinate with PTAA on the process of refunds. Rest assured that this concern will be treated with utmost importance."

Pero hindi lahat, opsyon ang refund lalo na sa mga walang babalikang nirerentahang bahay sa Metro Manila.

"Gusto ko lang po bumalik sa probinsya namin, ayoko na talaga dito, gusto ko na talaga umuwi," ani Gaigai Dawang, stranded passenger.

Inaasahan na sa mga susunod na linggo, maaaring makalipad na pauwi ng probinsya ang naiwang mga stranded na pasahero.

Humihingi naman ng pag-unawa ang mga travel agency sa mga kliyente nila sa mga refund ng mga nagpasyang huwag nang ituloy ang kanilang flight.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.