Huling araw ng mass testing sa Bago City, Murcia sa Neg. Occ., sinimulan na

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2020 08:22 PM

Nakasara ang halos lahat ng pamilihan at walang bumabiyahe sa daan sa bayan ng Murcia at Bago City sa Negros Occidental.

Ipinag-utos nina Bago City Mayor Nicholas Yulo at Murcia Mayor Gerardo Rojas ang temporary closure ng public market at paglagay ng mga border checkpoint sa daan habang ipinapatupad ang huling araw ng mass testing para sa huling araw ng Timeout Weekend sa probinsya.

Tinatayang nasa 800 ang isasailalim sa RT-PCR test sa ilang lugar sa Bago City, habang nasa 500 naman ang kinuhanan ng swab specimen sa public plaza ng Murcia.

Noong Biyernes nagsimula ang timeout weekend para sa isinagawang mass testing sa Bacolod City. Sumunod ang Silay at Talisay City nitong Linggo.

Target ng provincial at local government unit na mai-test ang 10,000 individual sa hangad na mabigyan solusyon ang pagdami ng local transmission ng COVID-19 sa probinsya.

Umabot naman sa 241 ang dagdag na bagong kaso ng COVID-19 sa Bacolod nitong Sabado at Linggo, ayon sa bulletin ng Department of Health Region 6.

Ang Bacolod ang siyang nangunguna ngayon sa lalawigan na may pinakamaraming COVID-19 cases na lampas na sa 1,000. Labingwalo na ang napabilang sa mga namatay dahil sa sakit.

Lifted na kahapon ang ipinatupad na “no movement policy” sa lungsod. Pero inihahanda na ng mga barangay ang gagamitin na home quarantine pass kasabay ng muling paglagay ng mga border checkpoint simula Setyembre 3 hanggang 15.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.