PatrolPH

BALIKAN: 30-taong karera ni Ted Failon sa ABS-CBN

Alvin Elchico, ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2020 08:26 PM | Updated as of Aug 31 2020 08:27 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Ang 1990 ang taong sinasabing bumago sa buhay ni Ted Failon.

Bitbit ang kanyang pagmamahal sa radyo at karanasan bilang station manager at program director sa iba’t ibang himpilan sa probinsya, nakipagsapalaran si Failon sa Maynila at sinubukang makapasok sa ABS-CBN.

Tatlong beses nagpabalik-balik si Failon para mag-apply bilang reporter at dumating ang araw na siya’y napansin ng news executive ng network na syang tumanggap ng kanyang biodata.

Nakapasok si Failon sa ABS-CBN News pero ang pangarap na pagiging radio reporter ay hindi agad natupad.

Ang tanging bakanteng trabaho lang noon ay news desk editor at doon muna sya isinabak ng mga namamahala sa news department.

Kinalaunan, sinabak si Failon sa pagbabasa ng balita sa radyo hanggang sa nabigyan ng sariling programa sa DZMM tuwing alas-2 hanggang alas-4 ng madaling araw. 

Ito ang kapanganakan ng "Gising Pilipinas" at si Failon ang kauna-unahang tinig nito.

Dahil sa mahal ng pamasahe, tiniis niyang tumira sa opisina at mawalay sa pamilya na noo'y nakatira sa Angeles, Pampanga. 

Pero ang kanyang sakripisyo ay nagbunga naman ng iba't ibang oportunidad at pagkilala. 

Isa na dyan ang pagtatambal nila ni Korina Sanchez sa "Aksyon Ngayon" na tumawid sa telebisyon sa programang "Hoy Gising!"

Noong 1995 ay naging radio news manager din ng DZMM si Failon.

Kasabay nito ay nagsimula syang maging bahagi ng "Bayan Ko, Sagot Ko," "Mga Imbestigador ng Bayan," "Harapan," at ng late night tagalog newscast na "Pulso: Aksyon Balita."

At siya na ang humahalili kay Noli de Castro noon sa TV Patrol.

Lumisan man pansamantala sa broadcasting si Failon para magserbisyo-publiko sa politika, pero hindi nawala ang kanyang pagiging alagad ng media. 

Matapos ang isang termino sa Kongreso, muli siyang nagbalik sa pinakamamahal na propesyon. Mula noon ay isa siya sa naging mukha ng TV Patrol.

Sa radyo, inaabangan si Failon tuwing umaga para sa kanyang matalinong pag-aanalisa at malalim na pagtalakay sa mga problema ng lipunan sa "Failon Ngayon."

Ngayong Agosto 31 ay ang huling araw ni Failon bilang Kapamilya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.