ABS-CBN employees na na-retrench bumalik ng opisina para magpaalam

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2020 07:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa mga nakalipas na linggo, natahimik at nabakante ang mga opisina ng ABS-CBN dahil sa retrenchment o pagbabawas ng mga empleyado ng kompanya bunsod ng pagpatay ng Kongreso sa hiling na bagong prangkisa ng network.

Nitong Lunes, huling araw ng mga na-retrench na empleyado, ilan sa kanila ay bumalik sa headquarters ng kompanya sa Quezon City para lang magpaalam.

Isa rito si Celso Veloso, cameraman sa loob ng 25 taon, na nakipagkuwentuhan sa mga kasamahan sa kaniyang huling araw.

Mayroon ding mga batang empleyadong bumalik din sa opisina para magpaalam nang personal at sama-samang mag-empake ng mga gamit.

Inakala nilang sa ABS-CBN na sila tatanda at magreretiro pero nagsisimula pa lang sana ay may tuldok na.

"Mahirap siyempre kasi araw-araw mo sila nakakasama, t'as biglang 'di mo na sila makikita ulit parang ang hirap ng ganoon," ani Cha Cruz-Calusa, isang associate producer.

"Ito talaga calling ko akala ko dito na ako tatanda," anang producer na si Martina Madrilejo. "Bigla-biglang kinuha sa akin 'yong pagkakataon na 'yon."

Matapos magkolehiyo, nag-ipon ng pera ang producer na si Nick Villavecer para makapunta ng Maynila galing Negros Occidental upang makapag-apply sa kompanya at matulungan ang naiwan niyang pamilya.

"Parang 'di lang trabaho pinagkait nila sa akin, tahanan din, pamilya, mga kaibigan kaya 'di okay," ani Villavecer.

Sa nakalipas na buwan, ilang kompanya na ang in-apply-an ni Villavecer pero hirap siyang makahanap ng bagong trabaho ngayong may pandemic at naghihingalo rin ang maraming kompanya.

"Parang feeling mo homeless na ako," ani Villavecer. -- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.