PatrolPH

Pamangkin ng dating San Pablo mayor patay sa pananambang

Jonathan Vega Magistrado, ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2019 06:59 PM | Updated as of Sep 01 2019 05:49 PM

Pamangkin ng dating San Pablo mayor patay sa pananambang 1
Screengrab mula sa video ni Kevin Pamatmat

Napatay noong Sabado ang pamangkin ng dating alkalde ng San Pablo City matapos pagbabarilin sa labas ng kaniyang bahay.

Kinilala ng mga awtoridad ang nasawi bilang si Gener Amante Jr., 44 anyos, pamangkin ni dating San Pablo mayor Vicente Amante.

Nakaupo si Gener sa labas ng kaniyang bahay sa Barnagay Santa Maria Magdalena bandang alas-8 ng umaga nang pagbabarilin siya ng 4 na gunman na nakasakay sa itim na SUV.

"Pagbabang-pagbaba, tinutukan ang biktima na nakaupo lang sa gilid ng kalsada," ani Lt. Col. Eliseo Bernales, hepe ng San Pablo police.

Si Gener ang ikalawang miyembro ng Amante clan ng San Pablo City na nasawi sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Watch more on iWantTFC

Kasama si Vicente sa listahang inilabas noong 2016 ni Pangulong Rodrigo Duterte ng mga lokal na opisyal na dawit sa legal na droga. Itinanggi naman ito ng dating alkalde.

Tumakas ang mga suspek sa direksiyon ng bayan ng Calauan, ani Bernales.

Dinala si Gener sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Nakuha ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen ang 11 slugs mula sa M-16 rifle.

Patuloy ang imbestigasyon para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga gunman at motibo sa pagpatay.

Noong 2017, napatay rin ng mga hindi nakikilalang salarin ang kapatid ni Vicente na si Damaso. -- May ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.