Bangkay ng 1 sa mga nasawi sa nasunog na barko sa Dapitan City naiuwi na sa Cebu

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2019 09:51 AM

Dumating na sa Cebu ang bangkay ng isa sa tatlong nasawi sa nasunog na barko sa Dapitan City nitong Miyerkoles.

Sabado ng umaga nang maiuwi ang mga labi ng 60 anyos na si Danilo Gomez sakay ng MV Zambo Ferry galing Dapitan City.

Agad na idineretso ang kaniyang mga labi sa isang punerarya.

Hindi muna nagpaunlak ng panayam ang pamilya.

Sa ngayon, prayoridad ng pamilya ang pagpapalibing kay Gomez na mula sa Cordova, Cebu.

Nasawi si Gomez nang masunog ang sinakyang Lite Ferry 16 noong Miyerkoles ng madaling araw. Galing sa bayan ng Samboan, Cebu ang barko na may mahigit 200 pasahero.

Papunta sana sa Dipolog City si Gomez para bisitahin ang kaniyang mga anak nang maganap ang trahedya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.