ALAMIN: Bakit nais gawing rape ang 'tanggal-condom' sa gitna ng pagtatalik?

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2019 06:13 PM

Watch more on iWantTFC

Editor's Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambatang paksa ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay.

MAYNILA — Ipinanukala sa Kongreso na ikonsiderang "rape" ang pag-alis sa condom nang walang paalam sa ka-partner habang nasa gitna ng nagtatalik. 

Layon ng panukalang "Anti-Stealthing Law" na pagbawalan ang "stealthing" o pagtanggal ng condom o ibang protection devices nang hindi nagpapaalam sa sexual partner.

Paliwanag ng abogadong si Claire Castro, may kaakibat na epekto ang "stealthing" lalo na kung may sexually transmitted disease ang isa sa mga makikipagtalik.

Sinusundan din nito ang mga batas sa ibang bansa patungkol sa "stealthing," na ilegal sa Germany at France. 

Pasok din sa batas ang mga nabibiktimang lalaki ng "stealthing." 

"Sa batas kasi hindi na-identify na 'yung victim babae lang. So in other words, kung nagkaroon ng relasyon, sexual intercourse ang lalaki sa lalaki at alam ng partner mo na may protection na gagamitin, eh tinanggal? Ang lalaki nagiging biktima ng rape," ani Castro sa "Usapang de Campanilla" nitong Biyernes. 

Pero ayon kay Castro, may pangambang maabuso ito ng ilan. 

Sa ilalim ng panukala, reclusion temporal at multang P100,000 hanggang P500,000 ang pinakamababang parusa sa sino mang lalabag nito. 

Pero kapag nagkaroon ng STD o nabuntis ang biktima, makukulong ng 20 taon ang suspek.