Bodega, nasunog sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2018 10:25 AM | Updated as of Aug 31 2018 08:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Natupok nitong Biyernes ang isang bodega sa Mauban Street, Barangay San Jose sa Quezon City.

Umabot pa sa ikatlong alarma ang sunog na nagsimula pasado alas-9 ng umaga, idineklarang under control ng alas-2 ng hapon at tuluyang naapula pasado alas-4 ng hapon.

Nahirapan ang mga bombero na apulahin ang sunog dahil laman ng bodega ang mga combustible material o kagamitang madaling magliyab gaya ng pintura, thinner, kahoy at mga plastic.

Pag-aari ang bodega ng Carni Castle Company na gumagawa ng mga picture frame.

Watch more in iWant or TFC.tv

Itinanggi naman ng supervisor ng kompanya na si Alex Chua na may lamang kemikal ang bodega na nagpalala sa sunog.

Ayon kay Chua, nag-spark na ilaw ang sinasabi ng kaniyang tauhan na sanhi ng sunog.

Sinisilip naman ng Quezon City Fire District ang posibilidad na nagmula ang sunog sa linya ng kawad sa extension ng isang outlet kung saan may nakasaksak na pang-welding.

Tinatayang nasa higit P1 milyon ang halaga ng pinsala ng sunog.

Wala namang naiulat na sugatan sa insidente at hindi rin nadamay ang mga bahay na katabi ng gusali.

--Ulat nina Zandro Ochona, Raphael Bosano at Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.