5 patay, 2 sugatan sa pag-atake ng mga armadong lalaki sa Zamboanga del Norte

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2018 11:47 PM

Patay ang 5 katao habang sugatan naman ang 2 iba pa sa pag-atake ng mga armadong lalaki sa Sirawai, Zamboanga del Norte Biyernes ng gabi.

Ayon kay Sirawai Mayor Gamar Janihim, namonitor ng mga sundalo ang 5 lalaki na naka-camouflage na bumaba sa isang pumpboat sa Barangay Piakan.

Nang dumating ang mga salarin sa lugar alas-6:30 ng gabi, nagkaroon ng engkuwentro.

Habang tumatakas ang mga armadong lalaki, dinukot nila ang isang mag-asawa.

Dagdag ni Janihim, ginawang human shield ang mag-asawa. Isang retiradong miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (Cafgu) ang lalaki.

Napatay sa insidente ang lalaki at 4 na sibilyan habang sugatan ang 2 iba pa.

Nagsasagawa ngayong ng hot pursuit operation ang mga awtoridad sa lugar. - Noning Antonio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.