1 patay, 22 huli sa Bacoor anti-drug ops

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2018 05:21 PM

Napatay ang isa umanong supplier ng droga habang 22 katao naman ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyong ikinasa ng mga awtoridad nitong umaga ng Biyernes sa Bacoor City, Cavite.

Sa bisa ng search warrant, sabay-sabay na sinalakay ng mga tauhan ng Bacoor police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pitong sinasabing drug den sa Barangay Talaba VI at Barangay Habay II.

Nasawi sa operasyon si Roy Balandra matapos umano siyang makipagpalitan ng mga putok ng baril sa mga pulis.

Si Balandra ang pinaka-target umano ng operasyon at sinasabing nangungunang supplier ng droga sa lugar.

Nahimatay naman sa takot ang isang senior citizen na kapitbahay ni Balandra dahil sa engkuwentro pero agad naman itong naitakbo sa ospital.

Tumalon naman sa posonegro ang isang drug suspect para makatakas pero nahuli rin ng mga pulis.

Balik-kulungan naman dahil sa pagsusuplay ng droga ang magkapatid na dati nang sumuko sa Oplan Tokhang.

Ayon kay Bacoor police chief Senior Superintendent William Segun, sa kabila ng plea bargaining sa mga dating huli, marami pa rin ang bumabalik sa ilegal na gawain.

Hindi bababa sa 50 sachet ng shabu na nagkakahalagang P500,000 ang nakuha mula sa mga suspek, ayon sa Bacoor police.

--Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.