Van nahulog sa tulay sa Quezon, 9 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2017 03:12 PM

MANILA - Sugatan ang 9 na indibidwal matapos mahulog ang sinasakyang van sa Quirino Highway sa Guinayangan, Quezon Huwebes. 

Galing Maynila at patungo sana sa Naga City ang Hiace van nang maaksidente sa bahagi ng Barangay Silang. 

Pawang mga empleyado ng Institute of Integrated Electrical Engineers of the Philippines ang mga pasahero ng sasakyan. Kabilang sa mga nasugatan ang executive director ng organisasyon na si Ramil Reginio Tan. 

Aminado naman ang driver na si Daniel Leyva na mabilis ang kanyang takbo at hindi niya napansin ang biglang pagliit ng kalsada malapit sa tulay.

Tuloy-tuloy aniyang bumulusok ang van pailalim ng tulay, dahilan para masugatan ang lahat ng sakay nito.

Isinugod sa St. Peter General Hospital sa Calauag, Quezon ang mga biktima. Ulat ni Ronilo Dagos 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.