PAO, tutulong sa pamilya ng nabagsakan ng cement mixer

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2017 09:46 AM

Nagpasaklolo sa Public Attorney’s Office (PAO) ang mga survivor sa insidente ng pagtagilid ng isang cement mixer sa Quezon City dahil hindi na umano sila tinulungan ng may-ari ng truck sa kanilang mga gastusin.

Sa panayam kay PAO Chief Persida Acosta, sinabi nitong inihahanda na nila ang kasong sibil laban sa may-ari ng cement mixer na Topstar Ready Concrete Incorporated.

Nabatid mula kay Acosta na hindi na sinagot ng kumpanya ang kabuuang gastos sa ospital ng mga biktima.

Isinasaayos pa nila kung magkano ang kabuuang danyos na sisingilin. Pero bago dalhin sa korte, susubukan muna ng PAO na magkaroon ng mediation o paguusap ng magkabilang panig hinggil sa gastusin.

Tinanggap ng PAO ang kaso dahil walang trabaho si Marife Ramos at puro maliliit pa ang kanilang mga anak.

Matatandaang namatay ang mister ni Marife na si Ulysses at nasugatan naman siya kasama ang tatlong anak nang madaganan ng tumagilid na cement mixer ang sinasakyan nilang kotse noong Agosto 15 sa Mindanao Avenue.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.