Panukalang P900-M para sa kampanya kontra droga, kinuwestiyon

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2017 09:25 PM

Inusisa ng mga mambabatas nitong Huwebes ang ipinapanukalang P900 milyong budget ng Philippine National Police (PNP) para sa Oplan Double Barrel sa 2018 na bahagi ng kampanya kontra droga ng pulisya.

Ginisa rin si Department of Interior and Local Governance Officer-in-Charge Catalino Cuy tungkol sa mga narco list ng pulisya.

Maliban sa P500 milyong budget para sa programang MASA MASID (“Mamamayang Ayaw sa Anomalya, Mamamayang Ayaw sa Droga”) ng PNP, mayroon ding P900 milyon para sa Oplan Double Barrel, puna ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, kaya humingi siya ng breakdown kung saan gagastusin ang nasabing halaga. 

Pinangangambahan din niyang maaaring umakyat pa ang bilang ng mga namamatay sa kampanya kontra droga dahil sa dagdag budget na ito.

Gayumpaman, sinabi ng PNP Chief for Directorial Staff na hindi kasama sa P900 milyon ang budget para sa mga ispesipikong operasyon, kung di para lamang sa travel, training, communication, professional services, at iba pang maintenance at operating expenses. 

Sinabi rin ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa na kahit pa nasa 4,000 hanggang 6,000 ang namatay sa giyera kontra droga, 120,000 ang naaresto nang buhay. Iginiit din niyang hindi nila pinahihintulutan sa pulisya ang pang-aabuso sa karapatang pantao. 

Pinuna rin ni Muntinlupa Representative Ruffy Biazon ang malaking budget para sa Oplan Double Barrel, lalo't mayroon na ring hiniling na P1 bilyon ang pulisya para sa pagbili ng body camera na gagamitin ng mga pulis na sasabak sa operasyon. 

Sagot naman ni Police Director Augusto Marquez, gagamitin ang P900 milyon sa pulisya sa buong bansa -- 18 regional offices sa 80 probinsiya, 21 siyudad, at 1,766 municipal at city police stations. 

Nasa P7,000 hanggang P10,000 naman ang dagdag na matatanggap na budget ng mga lokal na pulisya.

Samantala, ginisa naman ni Lanao del Norte 1st District Representative Khalid Dimaporo ang Department of Interior and Local Government at PNP tungkol sa mga narco list. 

Kinumpirma ni Cuy na mayroong mga inilabas na narcolist sa kalagitnaan ng taong 2016, noong Disyembre 2016, at noong Agosto 2017. Nilalaman nito ang pangalan ng mga lokal na opisyal, pribadong mamamayan, at iba pang opisyal ng gobyernon, kabilang na ang mga pulis at militar, na dawit sa ilegal na droga. Sinabi rin niyang patuloy na bineberipika at vina-validate ng mga lokal na peace and order council ang listahan. 

Nagbabala naman si Dimaporo na habang papalapit ang eleksiyon, maaaring gamitin ang listahan laban sa mga politiko, kaya mainam na mas pagbutihin pa ang pag-iimbestiga at pag-validate sa listahan.

Kasalukuyan namang iniimbestigahan ng Internal Affairs Sevice ang 3,765 na namatay sa mga operasyon ng pulisya kontra droga. Pitumpu't lima naman ang namatay sa hanay ng pulisya.

Pitong daan limampung kaso naman ang naisampa na sa mga pulis na lumabag diumano sa mga procedure, samantalang dalawa naman ang tinanggal sa serbisyo. 

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.