Paglalagay ng CCTV, GPS sa mga PUV, lusot sa Kongreso

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2017 09:13 PM

Inaprubahan na ng Kongreso nitong Miyerkoles ang House Bill No. 6112 na nag-uutos sa mga public utility vehicle (PUV) sa buong bansa na maglagay ng hindi bababa sa dalawang closed-circuit television o CCTV at global positioning system o GPS sa kanilang mga sasakyan.

Sakop ng panukalang batas ang mga jeep, bus, taxi, UV Express van, maging ang mga school bus. 

Multang P2 milyon at kulong ang ipapataw sa mga hindi maglalagay ng CCTV at GPS.

Ayon kay Atty. Aileen Lizada, tagapagsalita ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), bukas sila sa panukalang batas. 

Dagdag pa niya, kung sakaling maipatupad, maaari daw na magamit ang data na makukuha sa mga PUV katulad na lamang ng lagay ng trapiko sa iba't ibang lugar at upang ma-monitor kung lumalampas na ang isang pampasaherong sasakyan sa itinakdang ruta.

Apela ni Jun Magno, presidente ng Stop & Go, hindi raw niya matatanggap ang paglalagay ng GPS sa mga sasakyan kung maikli  lamang ang ruta nito, katulad ng 'UP Ikot' sa University of the Philippines Diliman.

Segunda naman ni Alex Yague ng Provincial Bus Operators  Association of the Philippines, dapat daw ay sa mga bagong unit ng PUV lamang ipatupad ang paglalagay ng CCTV at GPS dahil pasok na rin aniya ang paglalagay ng CCTV, GPS at dash cam (dashboard camera) sa modernization program ng Department of Transportation (DOTr) bagama't sa taong 2018 pa ito epektibo.

Dagdag pa ni Yague, dagdag lang daw ito sa gastusin ng mga operator.

Kailangan munang maipasa ang counterpart bill sa Senado bago umusad ang panukalang batas. 

Kailangan ding magkaroon ng implementing rules and regulations bago ito maipatupad. 

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.