Pagbuwag sa protesta kontra demolisyon, nauwi sa gulo

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2017 03:40 PM | Updated as of Aug 31 2017 10:53 PM

Nauwi sa kaharasan ang ginawang pagbuwag ng mga pulis sa barikada ng Kadamay kontra sa demolisyon ng pabahay sa Sta. Lucia, Pasig City Huwebes. 

Ayon sa report ni Radyo Patrol Jekki Pascual, alas-7 pa lang ng umaga ay naka-puwesto na ang mga miyembro ng Kadamay at hindi sila umalis kahit pa man pinakusapan na ng pulis.

 

Pansamantala umanong humupa ang tensiyon nang umulan ng malakas pero nagbalikan ang mga nagprotesta at umukupa ng buong lane ng kalsada. Dahil dito, di na madaanan pa ng mga motorista ang Eastbank Road.

Nagpo-protesta ang Kadamay laban sa planong demolisyon ng kabahayan ng 1,000 pamilya sa Manggahan Floodwater sa Pasig.

Nais nilang huwag matuloy ang demolisyon at sa halip ay ipamigay na sa kanila ang lupa dahil matagal na silang nakatira dito.

Ayon sa report, may planong relocation naman para sa mga maaapektuhang residente. Pero, anila, napakalayo nito.

Pero sabi ng pulis na wala naman daw talagang magaganap na demolisyon.

Gumamit ng water cannon ang mga bumbero para maitaboy ang mga nagprotesta na nagpaulan naman sa kanila ng mga bato.

Ilang mga residente ang pinagdadampot ng pulis nang mapasok na nila ang lugar. 

Kinondena naman ng Bayan Muna ang pangyayari at sinabing dapat nakipagdayalogo si Mayor Robert Eusebio at mga pulis sa mga nagprotesta. 

Wala pa namang naging pahayag ang alkalde ng lungsod. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.