Musikerong nagbebenta ng shabu sa mga lamay, timbog sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2017 10:50 PM | Updated as of Aug 31 2017 11:19 PM

SARRAT, ILOCOS NORTE - Timbog ang isang 20-taong gulang na lalaking musikero matapos mahuling nagbebenta ng shabu sa loob ng compound ng kanilang bahay sa Barangay 16, Sarrat, Ilocos Norte, Martes ng hapon.

Sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis, aktong nahuli si Edwin Balisacan na nagbebenta ng isang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P500 sa isang police poseur-buyer.

Nakuha din sa kanya ang isa pang sachet ng shabu.

"Number 11" umano sa street-level watchlist si Balisacan.

"Sa kanilang barangay, siya ang matunog. Nag-conduct tayo ng 2 months na surveillance operation sa kaniya at talagang napatunayan natin na isa siya sa mga pinakamalakas sa Sarrat lalo na sa Barangay 16," sabi ng hepe ng Sarrat Police Station na si Chief Insp. Roldan Suitos.

Mismong sa bahay umano ng suspek ito nagbebenta.

Isinasabay din umano ni Balisacan ang kanyang pagbebenta ng shabu kung siya ay tumutugtog sa mga lamay.

Itinanggi naman ni Balisacan na siya ay gumagamit at nagbebenta ng shabu.

"Napagbintangan lang ako. Hindi nga ako gumagamit, hindi ko nga rin alam manigarilyo," paliwanag ni Balisacan.

Haharap sa kasong paglabag sa Article II of Republic Act 9165 o and Comprhensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.

Nauna nang naireklamo ng pagnanakaw si Balisacan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.