Maulang long weekend, inaasahan dahil sa habagat: PAGASA

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2017 05:23 PM

Inaasahang magiging maulan pa rin hanggang Sabado sa kanlurang bahagi ng Luzon, gayundin ang Metro Manila, dahil sa pinalakas na hanging habagat, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes.

Pinalalakas ng isang low pressure area (LPA) ang hanging habagat, base sa inilabas na 11 AM weather advisory ng PAGASA.

Namataan ang LPA sa layong 205 kilometro, kanluran, hilagang-kanluran ng Calayan Island, Cagayan. 

Asahan ang katamtaman at paminsanang malakas na ulan at pagkulog at pagkidlat na maaaring magdulot ng pagbaha at 
pagguho ng lupa sa kanlurang bahagi ng Luzon, kasama na ang Metro Manila, rehiyon ng Ilocos, lalawigan ng Batanes, mga isla ng Babuyan, Cordillera, Gitnang Luzon, nalalabing bahagi ng Cagayan Valley at mga lalawigan ng Mindoro, Cavite at Batangas.

Bagama't maaaring maging bagyo sa susunod na 24 hanggang 48 oras, inaasahan namang aalis na ng Philippine Area of Responsibility ang low pressure area mamayang gabi o bukas ng umaga.

Idineklara ni Presidente Rodrigo Duterte ang Setyembre 1 
bilang non-working holiday upang bigyang-daan ang pagtatapos
ng Ramadan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.