Konsehal ng barangay na nasa narco list ni Duterte, timbog

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2017 05:41 PM | Updated as of Aug 31 2017 05:43 PM

Isang konsehal ng barangay sa Danao City, Cebu na kabilang umano sa narco list ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nahuli sa Danao City.

Si Barangay Tuburan Sur Councilor Thelma Sekeguchi ay naaresto sa bisa ng isang search warrant dahil sa pagbebenta umano ng shabu Miyerkoles ng gabi.

Narekober ng Danao City Police at Regional Intelligence Division ang 49 pakete ng hinihinalang shabu na may halagang P500,000 sa isinagawang search.

Nakuha din ang isang weighing scale at iba pang drug paraphernalia sa loob ng bahay niya sa Tuburan Sur.

Pero iginiit ni Sekuguchi na hindi sa kanya ang drogang narekober at sigurado siyang may ibang taong naglagay noon doon.

Ayon sa Danao police, si Sekeguchi ay isang high value target at kanilang tinitiktikan simula pa noong nakaraang taon. Sabi ng pulis, nagpalipat-lipat umano ng lugar ang suspect kaya’t hindi siya agad na naaresto.

"With her arrest, hopefully the illegal drug transaction in Danao will die down eventually,” sabi ni Police Chief Inspector Gerard Pelare.

Dagdag ni Pelare na si Sekaguchi ang pumalit at nagpatuloy sa ilegal na gawain ng drug lord na si Alvaro "Barok" Alvaro.

Si Alvaro naman ay sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) sa Bohol nitong nakaraang taon matapos na mapatay ang hinihinalang Visayas big time drug lord na si Jeffrey "Jaguar" Diaz. 

Si Alvaro ay nakakulnog ngayon sa Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center (CPDRC).

Patuloy namang inaalam ng awtoridad kung saan at sino ang supplier ng droga ni Sekeguchi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.