2 pulis, patay sa pamamaril sa Tanauan

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2017 11:11 PM

BATANGAS - Patay ang dalawang pulis habang sugatan naman ang isang sibilyan sa pamamaril sa Barangay Tinutik, Tanauan City Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang mga biktima na sina Police Officer 3 Edgar Oba-ob at PO1 Ryan Cedric de Guzman, parehong dating nakatalaga sa Binangonan Municipal Police Station.

Ayon sa ilang residente, nakarinig na lamang sila na may sumigaw na pinadadapa ang lahat. Sinundan umano ito ng sunod sunod na putok ng baril.

Kutob ng pulisya, napagplanuhang mabuti ang krimen bago ito isinagawa.

"Planado po. Tatlong sasakyan, isang sasakyan ang pumwesto sa unahan ng PAC (police action center) Base. 'Yung isa naman po ay sa gawing hulihan at 'yung gitna naman po ay striking, namutok doon sa PAC Base. Lumalabas na 'yung dalawang sasakyan ay back-up. Nasabi rin natin na fully armed kasi they are wearing bullet proof and bonnet to conceal their identification," ani Supt. Audie Madrideo, hepe ng Tanauan City police. 

Wala umanong kinasasangkutang kaso ang dalawang napatay na pulis, pero may dalawang tinitingnang motibo ang mga awtoridad.

"Una nating tinitingnan since bago nga sila rito ay 'yung previous assignment kung ano 'yung kanilang assignment doon especially sa Teresa, Rizal and Binangonan. Kasi they were only assigned here three months ago. 'Yung isang anggulo naman po na tinitingnan natin ay 'yung relentless campaign sa illegal drugs," dagdag ni Madrideo.

May mga nauna na rin umano kasing pagtatangka at insidente ng pagpatay sa mga police officer sa lungsod. Maaaring retaliation umano ito ng grupo ng malaking personalidad sa nasagasaan sa kampanya kontra ilegal na droga.

Magbibigay naman umano ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Tanauan para sa pamilya ng mga biktima, lalo na sa nadamay na sibilyan.

Nakalabas na sa intensive care unit at nasa maayos nang kalagayan ang sibilyang nakilala bilang si Abindio Valencia. Tumanggi naman munang magbigay ng pahayag ang kanyang pamilya tungkol sa insidente.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang mga salarin sa insidente.

--Ulat ni Paulo Ferrer at Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.