Lalaking bibili ng diaper ng anak, patay sa pamamaril

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2016 08:01 AM

MANILA - Patay ang isang lalaking bibili lang sana ng diaper ng kanyang anak matapos pagbabarilin hanggang sa mapatay ng mga hindi nakilalang salarin sa Barangay Holy Spirit, Quezon City Martes ng gabi.

Nakilala ang biktima na si James Warren Florencio, na ayon sa kanyang kinakasama, ay dati umanong gumagamit ng iligal na droga.

Isang tindera malapit sa pinangyarihan ng krimen sa Commonwealth Avenue ang nagkwento ng nangyari. Aniya, "Isang putok akala ko piccolo tapos tatlong sunud-sunod na putok na... Natatakot po ako."

Nagtamo si Florencio ng tama ng baril sa mukha, na agad niyang ikinamatay.

Naulila ng biktima ang kanyang isang taong gulang na anak at kinakasamang si Marissa Dacuma, na walong buwang buntis.

Kwento ni Dacuma, naging mabuting ama si James sa kanya sa loob ng anim na taon nilang pagsasama.

Aminado mang dating gumagamit ng droga si Florencio, hindi pa rin aniya tamang patayin ito.

"Sinumang gumawa niyan, sana hilahin siya ng asawa ko. Mali ang taong pinatay niya, malinis na tao 'yan. Kung kilala niya talaga asawa ko, magaling makisama, may pinag-aralang tao 'yan," himutok ni Dacuma.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.