72 katao, arestado sa QC drug raid

Primy Cane, ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2016 11:39 PM

Arestado ang 72 katao sa isinagawang drug raid sa Barangay Culiat, Quezon City Miyerkules ng hapon.

Naaresto ang mga suspek, kabilang ang limang menor de edad, sa tatlong bahay na ginawa umanong drug den sa Salaam compound. 

Nakumpiska ng mga pulis ang siyam na sachet ng materyal na pinaghihinalaang methamphetamine o "shabu", at mga drug paraphernalia.

Ito ang unang beses na pinasok ng mga otoridad ang Barangay Culiat.

Ayon sa mga pulis ay dati pa nilang balak pasukin ang Salaam compound sa barangay, pero dahil sa sobrang sikip ng mga daan ay delikado umanong magsagawa dito ng Oplan Tokhang, lalo na’t kulang ang kooperasyon ng komunidad.

Pero ayon sa mga pulis, sa pagkakataong ito ay kusang tumulong ang mga lider ng komunidad na Muslim kaya napasok nila ang lugar.

"Kung walang tulong ng Muslim tribal leaders, hindi talaga natin magagawa ito," ani Senior Superintendent Villarmo Eleazar, District Director ng Quezon City Police.

Ayon sa mga opisyal ng barangay, bukod sa bentahan ng droga sa lugar, naging negosyo na rin ang pagpapaarkila ng tagong espasyo kung saan maaaring gumamit ng bawal na gamot, sa halagang P20 hanggang P30 kada tao.

"Karamihan diyan [sa mga suspek], hindi taga-rito. Pumupunta lang sila rito para gumamit [ng droga]," ani Kapitan Victor Bernardo.

Sa Talipapa Police Station dadalhin ang mga naaresto, maliban na lang sa mga menor de edad na mapupunta sa Department of Social Welfare and Development.

Ayon sa hepe ng Talipapa station, problema nila ngayon kung kakasya ang mga nahuling suspek, dahil 30 lang ang kapasidad ng kanilang mga kulungan, at may mahigit 80 na silang bilanggo sa loob ng mga piitan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.