PatrolPH

Lalaking nanaksak umano ng sariling ina sa Naga City, arestado na

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2022 01:53 PM

Arestado ng mga tauhan ng Naga City Police Office ang 38-anyos na lalaking nanaksak umano sa kaniyang sariling ina nitong Agosto 28, 2022. Naga City Police Office
Arestado ng mga tauhan ng Naga City Police Office ang 38-anyos na lalaking nanaksak umano sa kaniyang sariling ina nitong Agosto 28, 2022. Naga City Police Office


Arestado ng mga tauhan ng Naga City Police Office-Station 2 ang 38-anyos na lalaking nanaksak umano sa kaniyang sariling ina nitong Linggo.

Ani Police Senior Master Sergeant Tobias Bongon III, umuwi ang suspek sa bahay nila sa Barangay Concepcion Pequeña, Naga City isang araw matapos ang insidente dahil umano sa gutom.

"Pinuntahan ito ng ating mga kasamahan sa Cadlan, Pili, Camarines Sur. Nanghihingi na umano ito ng pagkain. Nanlilimos na. Kaya nag-proceed doon ang ating tropa. Pero hindi na inabutan. Eventually nga, sa patuloy na pagtugis, naabutan po ito sa kanilang bahay," sabi ni Bongon.

Kuwento ng suspek sa pulis, nagdilim umano ang paningin niya sa ina dahil sa pangsesermon bunsod ng madalas niyang paglalasing.

Hindi na narekober ang kitchen knife na ginamit ng suspek. Itinapon umano niya ito matapos saksakin din ang sarili bago tumakas.

Maayos na ang kondisyon ng suspek matapos operahan ang mga sugat sa tiyan. Frustrated parricide ang haharapin niyang kaso, ayon sa pulis.

Patuloy din na nagpapagaling sa tinamong anim na saksak ang kaniyang ina.

"Wala tayong karapatan, kahit ano pa man ang dahilan natin, na saktan ang ating magulang," paalala naman ni Bongon.

— ulat ni Jonathan Magistrado

IBA PANG ULAT 

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.