PatrolPH

Dalaga patay sa pananaksak sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2022 03:04 AM | Updated as of Aug 30 2022 10:28 AM

Patay ang isang 18-anyos na dalaga matapos siyang pagsasaksakin sa kaniyang bahay sa Biñan City, Laguna nitong Linggo ng hapon.

Suspek sa krimen ang dating nobyo ng kaniyang ina. 

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagalit ang suspek dahil nakipaghiwalay sa kaniya ang nanay ng biktima.

Nauna nang pinagbantaan ng suspek na papatayin ang ginang matapos na malaman na may iba nang nanliligaw rito.

Subalit ayon sa pulisya, ang anak na si Jonaflor Gurra ang napagbalingan ng galit nang hindi naabutan ng suspek sa bahay ang nanay sa Barangay Timbao. 

Ayon sa imbestigasyon ng Biñan City police, sapilitang pinasok ng 29-anyos na suspek ang kuwarto ng biktima. Narinig na lamang na sumigisigaw ito at humihingi ng tulong hanggang sa tumigil. 

Makaraan ang ilang minuto, nakita ng isang testigo na nagmamadaling umalis ang suspek. Nang tingnan ang bahay, nakitang duguang nakahandusay ang biktima sa sahig ng kuwarto.

Hindi na naisugod sa ospital ang biktima dahil agad siyang binawian ng buhay sa mga tama ng saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Naaresto naman ng mga pulis ang suspek sa Barangay Casimiro, Las Piñas City sa isang follow-up operation.

Nakatakdang sampahan ng kasong murder ang suspek. 

- Ulat ni Ronilo Dagos

IBA PANG ULAT:

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.