PatrolPH

Malalaking COVID-19 isolation facility sa Calabarzon punuan na

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2021 06:30 PM | Updated as of Aug 30 2021 06:56 PM

Watch more on iWantTFC

Punuan na ang ilang malalaking isolation facility para sa mga pasyenteng may COVID-19 sa Calabarzon region dahil sa patuloy na pagdami ng mga nagkakasakit.

Kasama rito ang LIGTAS COVID Center sa Cabuyao City, Laguna na magkatuwang na pinatatakbo ng local at national government.

Mga pasyente mula Laguna at mga katabing-probinsiya ang tinatanggap sa LIGTAS COVID Center.

Nasa 80 tao ang kapasidad ng pasilidad pero punuan ito 2 linggo na ang nakakalipas.

Ayon sa facility manager na si Dr. CJ Cofreros, "palit-ulo" ang pinaiiral sa pasilidad kung saan kapag may gumaling at lumabas nang pasyente, saka lamang tatanggap ng bagong pasyente.

Sa ngayon, may 20 nakapila para ma-admit sa pasilidad.

Ayon kay Cofreros, kulang din ang pasilidad sa health workers dahil 3 nurse at hanggang 2 doktor lang ang naka-duty kada shift.

Dalawang linggong duty at 2 linggong day off ang ipinatutupad na sistema para sa health workers doon.

Natanggap na umano ng mga health worker doon ang kanilang 6 na buwang special risk allowance pero hinihintay pa ang hazard pay. 

Halos kapareho rin sa sitwasyon ng Cabuyao center ang nararanasan sa regional COVID-19 isolation facility sa Calamba.

May 399 bed capacity ang regional facility pero hinihintay ring mabakante ang kama bago tumanggap ng panibagong pasyente.

May 3 kaso rin ng mas nakahahawang Delta variant ang naroon sa pasilidad.

Nagkakapunuan ng mga pasilidad sa harap ng patuloy na pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon sa OCTA Research Group, maaaring umabot pa sa higit 20,000 ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 na maitatala sa bansa kada araw.

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.