PatrolPH

Transistor radios ipinamigay ng ilang kabataan sa Sarangani para sa distance learning

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2020 06:56 PM

Watch more on iWantTFC

Sa test run ng mga estudyante mula Sitio Lun Masla, bayan ng Malapatan, Sarangani sa paggamit ng radyo sa pag-aaral, nakitang hindi lahat ng pamilya ay may radyo para magamit ng mga bata.

Kaya naman nagsama-sama ang mga kabataang lider sa Sarangani para magtaguyod ng kampanyang Radyo Para Sa Baryo.

"'Yong mga students nahihirapang mag-learn ng sila-sila lang, walang teacher," ani Rhoda Ebad, project head ng Radyo Para Sa Baryo

"Importante talaga na mayroong radio unit so the students can listen to their teacher and may guide," ani Ebad.

Target ng kampanyang makapagbigay ng 1,000 transistor radio para sa mga batang mag-aaral sa mga liblib na barangay sa Sarangani.

Samantala, nagpapasalamat naman ang second year college student na si Curt Mejia dahil nakaraos siya sa kaniyang summer class dahil sa natanggap na load pang-internet.

"Nagka-internet connection po ako nakatulong po 'yon sa daily summer class po namin," ani Mejia.

Mga kapuwa estudyante ni Mejia mula Saint Louis University sa Tuguegarao ang nagbigay sa kaniya ng load sa ilalim ng Project Walang Iwanan.

Layon ng proyekto na magbigay ng prepaid load para matustusan ang gastos pang-internet ng mga estudyante ng pamantasan.

"It aims to help our fellow students to access their e-learning needs," anang project head na si Jason Cureg.

Ayon kay Cureg, sinasala rin nila ang mga estudyanteng higit ang pangangailangan.

Sa P90, maaari nang maka-internet ang estudyante sa loob ng isang linggo.

Higit 200 estudyante na ang naabutan ng tulong ng proyekto.

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.