Miyembro ng kidnap-for-ransom group huli sa Bukidnon

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2020 02:31 PM

Naaresto sa bayan ng Kibawe, Bukidnon ang miyembro ng isang kilalang kidnap-for-ransom group na dawit rin sa iba't ibang krimen, sabi ngayong Linggo ng pulisya.

Sa bisa ng arrest warrant para sa kasong murder, hinuli si Ryan James Sebellano, na miyembro ng Ozamiz kidnap-for-ransom group, ayon kay Police Col. Alex Fulgar.

Itinuturing din si Sebellano na most wanted sa Misamis Occidental, ayon sa pulisya.

Pangunahing suspek si Sebellano sa kaso ng pangingidnap sa isang Shenny Sy sa Cavite City noong nakaraang taon.

Dawit din umano ito sa robbery extortion, drug trafficking, gun-for-hire, at kidnapping-for-ransom sa Bukidnon at Ozamiz City.

Sa kasagsagan ng operasyon ng Philippine National Police laban sa Ozamiz group, nagtago si Sebellano sa Bukidnon, kung saan siya nakapag-asawa at nagtrabaho bilang construction worker.

-- Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.