PatrolPH

Mga natulungan ng ABS-CBN sa mga probinsiya nagpasalamat

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2020 06:53 PM

Watch more on iWantTFC

Naging daan ang mga balitang hatid ng ABS-CBN Regional Network Group para makatulong sa kapuwa.

Isa si Joven Agustin mula Baguio City sa mga nagpapasalamat sa Kapamilya network dahil natulungan ang kaniyang anak na may sakit na cerebral palsy at epilepsy.

"Simula po noong naiere sa TV Patrol Northern Luzon ang kwento ng aking anak ay may tumulong sa amin," ani Agustin.

Para naman sa ilang residente ng Batangas, ang higit isang dekadang pagbabalita ng TV Patrol Southern Tagalog ang nagsilbing mata, tainga at boses nila tuwing may kalamidad.

"Kumbaga, hindi lang kami itinuring na simpleng viewer lamang," anang solid Kapamilya na si Jester Pagkaliwagan.

Nanghihinayang din ang mga taga-suporta ng "TV Patrol" sa Bicol sa pagtigil ng pag-ere ng programa sa kanilang lugar.

Napaluha namang ang 20 anyos na si Rochie Luceño nang ikuwento ang tulong ng ABS-CBN sa kaniya at kaniyang pamilya.

Isa si Luceño sa mga naging scholar ng Sagip Kapamilya simula 2013, kasunod ng sinapit na trahedyang dulot ng Bagyong Sendong sa Cagayan de Oro noong 2011.

"Naging scholar po ako. Malaking tulong po ito sa aking pag-aaral, para makamit ang aking pangarap," sabi ni Luceño.

Adbokasiya rin ng ABS-CBN Davao na maging una sa public service.

Agad naghahatid ng tulong ang regional network sa panahon ng kalamidad at sakuna, tulad noong nagkaroon ng sunod-sunod na lindol sa Davao region noong 2019.

Isa sa mga naapektuhan ng lindol ang Barangay Upper Bala sa bayan ng Magsaysay, Davao del Sur.

Nagpapasalamat ang barangay chairperson na si Elisar Laoc sa tulong ng ABS-CBN at umaasa umano siyang hindi magsasawang tumulong ang kompanya sa mga nangangailangan.

Nasa 12 regional station ng ABS-CBN ang nagtigil ng operasyon, na epekto ng pagbasura ng Kamara sa hiling na prangkisa ng network.

Libo-libong empleyado rin ang nawalan ng trabaho dahil sa pagpapatigil ng free-to-air braodcast operations ng ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.