PatrolPH

Metro Manila dapat manatili sa GCQ: San Juan mayor

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2020 04:44 PM

Naniniwala si San Juan City Mayor Francis Zamora na dapat manatili sa ilalim ng general community quarantine ang Metro Manila sa harap ng patuloy na laban kontra COVID-19.

Ayon kay Zamora, hindi dapat madaliin ang pagbababa ng quarantine status sa Metro Manila, na itinuturing na virus epicenter o lugar kung saan may pinakamaraming kaso ng respiratory illness.

"Ang aking rekomendasyon sa Metro Manila Council ay manatili tayo sa GCQ sapagkat halos 2 linggo pa lamang naman mula nang bumabalik tayo sa GQC mula nang nanggaling tayo sa MECQ (modified enhanced community quarantine)," sabi ngayong Linggo ni Zamora sa gitna ng paggunita ng ika-124 anibersaryo ng Araw ng Pinaglabanan.

Ayon kay Zamora, kailangang balanse ang pagtugon sa problemang dala ng COVID-19 at takbo ng ekonomiya, na pareho aniyang nagagawa sa ilalim ng GCQ.

Bumalik sa GCQ ang Metro Manila simula Agosto 19 matapos ang 2 linggong MECQ, na hiniling ng health workers.

Hanggang Agosto 31 lamang ang GCQ ang Metro Manila kaya inaasahang maga-anunsiyo ang gobyerno ng bagong quarantine status.

Samantala, sa tala ng San Juan, nasa 516 ang active COVID-19 cases sa lungsod.

Nakatakdang magpulong ngayong Linggo ang Metro Manila Council para pag-usapan ang quarantine status ng capital region pagkatapos ng Agosto 31, ani Zamora.

Sa huling tala ng Department of Health, umabot na sa higit 213,000 ang kabuuang bilang ng mga nahawahan ng COVID-19 sa Pilipinas.

-- May ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.