Lalaki balik-kulungan matapos mahuli sa Caloocan drug bust

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2020 02:33 PM

MAYNILA - Balik-kulungan ang isang lalaki matapos mahuli sa buy-bust operation sa Caloocan City, kung saan nakuha ang P680,000 halaga ng hinihinalang shabu, sabi ngayong Linggo ng pulisya.

Sa ulat ng Northern Police District (NPD), kinilala ang suspek bilang si "Buboy," 42 anyos at residente ng Barangay 29.

Ayon kay Captain Ramon Aqcquitan, hepe ng NPD Drug Enforcement Unit, ikinasa ang operasyon laban kay "Buboy" matapos magsumbong ang isang informant na bumalik siya sa pagtutulak ng ilegal na droga.

Sa mismong bahay umano ng suspek nangyari ang transaksiyon, kung saan nakabili ang pulis na nagpanggap bilang buyer ng P5,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Nakuha kay "Buboy" ang 10 sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 100 gramo.

Noong 2018, nakulong si "Buboy" dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 pero pinalaya siya dahil sa plea bargaining agreement.

Nahuli uli noong 2019 si "Buboy" dahil sa ilegal na droga pero pinayagang magpiyansa ng korte.

-- Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.