Traffic enforcer sa Caloocan sibak matapos mangotong

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2019 07:03 PM

MAYNILA — Sibak sa trabaho ang isang traffic enforcer sa Caloocan City matapos siyang makuhanan ng video na nangongotong sa isang motorista.

Bumibiyahe sa bahagi ng Monumento ang van na sinasakyan ni alyas "Bekki" nang bigla silang harangin ng enforcer na si Jessie Azaña.

Sabi ni Azaña, nagbaba raw kasi ang driver ni Bekki ng pasahero sa isang "no loading and unloading zone" kaya sila hinarang.

Pero imbes na bigyan ng tiket, pera ang hiningi ni Azaña.

"Kaya nga po 'yun na lang ang gagawin ninyo, kesa 'yung magbayad pa kayo roon sa city hall," sabi ni Azaña sa video.

Pero habang nakikipag-usap, napansin ng enforcer na kinukuhanan siya ng video kaya't nagbago ang kaniyang isip at tinuloy na lang ang paniniket sa driver ni Bekki.

Ini-report ni Bekki ang insidente at ipinakita ang video sa Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM) ng Caloocan City na agad naman umaksiyon.

Sa isang memorandum, sinibak na sa trabaho si Azaña dahil sa disobedience at grave misconduct.


—Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.