Insurance claim ng 7 sa namatay sa trahedya sa Iloilo Strait, naibigay na

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2019 06:52 PM

Pumirma na ang mga kamag-anak ng pito sa 31 nasawi sa trahedya sa Iloilo Strait para makuha ang insurance claim. Tanging ang pito pa lamang umano ang nakapag-comply sa requirements para makakuha ng insurance. Cherry Palma, ABS-CBN News

Nakatanggap na ng insurance claims ang mga kamag-anak ng pito sa 31 nasawi sa pagtaob ng tatlong bangka sa Iloilo Strait.

Ilan sa kanila ay napaiyak habang pumipirma sa insurance para sa tseke na nagkakahalaga ng P200,000 na ibinigay ng Maritime Industry Authority Region 6 o Marina sa tulong ng Strong Hold Insurance Company Incorporated, Biyernes ng umaga.

Nauna nang nabigyan ng P20,000 ang pamilya ng mga namatay bilang tulong sa pagpapalibing.

Sa 31 nasawi sa trahedya, pito pa lang ang nakapag-comply sa lahat ng requirement ng insurance company kaya sila pa lang ang naunang nakatanggap.

Nananawagan naman ang bagong regional director ng Marina na si Jose Venancio Vero Jr. sa mga kamag-anak ng 24 pang namatay sa trahedya na lumapit sa ahensiya kung kinakailangan ang kanilang tulong upang mapabilis ang pag-proseso ng ilang mga requirement sa pagkuha ng insurance.

Ayon sa mga nakatanggap, malaking-tulong sa kanilang muling pagbangon ang natanggap na tulong pinansyal. Panawagan naman nila sa concerned government agencies na pagtuunan ng pansin ang pagpapabuti ng emergency response at mga kagamitan sa pag-rescue nang hindi na masundan pa ang kalunos-lunos na pangyayari.