PatrolPH

AWOL na pulis timbog sa Muntinlupa buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2019 05:55 AM | Updated as of Aug 30 2019 09:26 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Arestado ang isang pulis na nag-absent without official leave (AWOL) sa buy-bust operation sa Muntinlupa City Biyernes ng madaling-araw.

Nakuhanan si Patrolman Victor Bustamante ng 5 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P68,000.

Nabilhan ng droga ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang suspek malapit sa gate ng maximum security compound ng New Bilibid Prison.

Ayon kay NCRPO director Guillermo Eleazar, kahit na AWOL si Bustamante, gumagawa umano ito ng sariling operasyon.

"Nagu-uniporme pa doon sa area nila. Nagco-conduct ng tinatawag nating Oplan Sita," aniya. 

"Kung mayroong known personalities na involved sa droga, 'yun ang ina-approach pagkatapos... tatakutin, aarestuhin at kukunin kung ano mang drugs ang makita, including pera."

Kinumpiska ang police ID at 2 magazine ng service firearm na 9mm pistol ni Bustamante. Unang nang nahuli ng mga pulis ang service firearm ng suspek sa kinakasama nito.

"'Yung firearm ay nahuli ng Muntinlupa police na nasa possession ng kaniyang girlfriend na kinakasama known to be involved also in illegal drugs," ani Eleazar.

Nag-AWOL si Bustamante nitong Pebrero matapos makatanggap ng recommendation for suspension dahil sa hindi pagpasok sa trabaho.

Nagsimula siya sa serbisyo sa NCRPO noong 2011 at na-assign sa intelligence division ng Southern Police District at Las Piñas City Police.

Nagpaliwanag naman si Bustamante kung bakit hindi na siya pumapasok sa trabaho.

"May motorcycle accident po ako. Meron po akong patunay na naaksidente ako at validated ang medical ko," aniya.

Hindi naman siya nagkomento nang tanungin sa umano'y pagkakasangkot sa droga.

"Sa attorney ko na lang po. No comment po," aniya.

Mahaharap si Bustamante sa mga kasong administratibo at kriminal.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.