PatrolPH

'Anti-dengue' frogs na pinakawalan sa QC 'peste, nakalalason': eksperto

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2019 07:39 PM

Watch more on iWantTFC

Maaaring mas makapinsala pa ang pagpapakawala ng palaka sa planong pagpuksa ng mga lamok kontra dengue sa isang barangay sa Quezon City, ayon sa isang eksperto.

Paliwanag ng invasion biologist na si Arman Pili, nakalalason ang mga palakang pinakawalan ng barangay, na kung tawagin ay mga cane toad. Ang invasion biology ay tungkol sa mga insekto o hayop na nakasasama sa kalusugan ng publiko.

Ayon kay Pili, may dalang bacteria na salmonella at leptospirosis ang mga naturang palaka.

Nakamamatay rin, aniya, ang pagkain ng cane toad, mapa-tao man o hayop.

"Ang consumption nila may cause deaths dahil sa pagkalason. Pangalawa, the interactions with human, increases the likelihood of salmonella outbreaks and leptospirosis dahil sila ay carriers ng salmonella, leptospirosis, and other pathogens," ani Pili.

Bukod pa rito, hindi pa umano palakain ng lamok ang nasabing palaka.

"Naniniwala akong hindi niya mafu-fulfill ang purpose which is to control mosquitoes. Ayon sa pag-aaral, ito ay hindi o kaunti lang ang kinakain na mosquitoes," ani Pili.

Makakaapekto rin aniya ito sa ecosystem at sa mga tao sa komunidad.

Mas mainam pa raw na magkaroon ng "green spaces" na makakaakit ng mga insektong kumakain ng lamok gaya ng mga dragonfly.

Umani rin ng batikos sa social media ang ginawang hakbang ng barangay.

Pero giit ni puno ng barangay na si Allan Franza, hindi nakakalason ang kinuha nilang mga palaka.

"Kung nakakapinsala siya at nakakalason eh di sana may nalason na at namatay," ani Franza.

Bukas ang barangay na makipag-usap sa mga eksperto para masuri kung nakabubuti ang pinakawalan nilang mga palaka.

Pero ayon kay Franza, hangga't hindi pinagbabawalan, tuloy ang pagpapakawala nila ng mga palaka sa paniwalang ito ang sagot sa lumalalang problema ng dengue sa kanilang lugar.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.