Ilang kompanya humirit ng taas-presyo bago mag-'price freeze'

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2018 08:25 PM

* Gulay na ibinabagsak sa La Trinidad, nagmahal
* Langis, maaaring magtaas

Watch more in iWant or TFC.tv

Gustong humabol ng ilang manufacturer ng mga de-latang sardinas ng dagdag-presyo bago tuluyang mapako ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa loob ng tatlong buwan.

Humirit sa Department of Trade and Industry (DTI) ng P2 dagdag sa presyo ng kada lata ang mga kompanyang Youngstown, Mega, at Toyo bago ipagbawal ang taas-presyo ng mga de-lata sa mga pamilihan hanggang Nobyembre.

Pero ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, hindi basta-basta mapagbibigyan ang hirit ng mga kompanya.

"Kung sino lang 'yong legitimate requests na kayang i-justify ng documents nila 'yong request nila for increases, saka lang natin pagbibigyan," ani Castelo.

Papayagan namang muling magtaas ang presyo ng mga produkto pagsapit ng holiday season o Disyembre dahil sa inaasahang paglaki ng pangangailangan sa mga bilihin.

Umalma naman ang Laban Konsyumer na ang gusto ay lubusin hanggang sa dulo ng 2018 ang "price freeze."

Target ng DTI na mailabas ang bagong listahan ng suggested retail price (SRP) ng mga bilihin sa Sabado.

Bumuwelta naman ang Laban Konsyumer at sinabing kung may bagong SRP, ibig sabihin ay pinayagang magtaas muna ang ilang produkto bago mapako ang presyo.

Watch more in iWant or TFC.tv

GULAY NA IBINABAGSAK SA LA TRINIDAD, NAGMAHAL

Samantala, lalo pang tumaas ang presyo ng gulay na ibinabagsak sa La Trinidad dahil pa rin sa dami ng nasirang tanim na gulay bunsod ng mga pag-ulan noong mga nagdaang linggo.

Naglalaro sa P2 hanggang P15 ang pagtaas sa presyo ng mga gulay na ibinabagsak sa La Trinidad Trading Post.

"Mas marami na 'yong mga second class. Kakaunti na 'yong top quality because of the continuous rain," ani Agot Balanoy, manager ng Benguet Farmers Marketing Cooperative.

Halimbawa, mula sa dating P110 hanggang P120, nasa P120 hanggang P130 na ngayon ang presyo ng kada kilo ng wholesale ng lettuce o letsugas.

Mas mataas pa umano ang mga presyo ng mga gulay kapag dinala sa mga palengke sa mga malalayong lugar.

Ayon naman sa Agribusiness and Marketing Assistance Division ng Department of Agriculture sa Cordillera, regular naman nilang binabantayan ang presyo ng gulay at wala pa silang nakikitang iregularidad.

LANGIS, POSIBLENG MAGTAAS SA SUSUNOD NA LINGGO

Nagbabadya namang tumaas ang mga presyo ng diesel, gasolina, gaas at liquefied petroleum gas (LPG) sa susunod na linggo.

Maglalaro sa P1.50 hanggang P2 kada kilo o P16.50 hanggang P22 kada regular na tangke ang dagdag sa presyo ng LPG sa Setyembre 1.

Sa unang araw naman ng trading, nasa P0.93 kada litro ang iminahal ng inangkat na diesel, P0.63 sa gasolina at P0.74 sa kerosene.

Subalit may dalawang araw pa ng kalakalan na posibleng magpababa o magpalobo sa presyo ng mga produktong petrolyo.--Ulat nina Alvin Elchico at Michelle Soriano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.