Crime of passion, pagnanakaw, sinisilip sa pagpatay sa 'Ang Probinsyano' actor

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2018 08:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Crime of passion at pagnanakaw ang ilan sa mga motibong sinisilip ng pulisya kaugnay sa pagkamatay ni "Ang Probinsyano" actor Arnold Corpuz, base sa imbestigasyon. 

Natagpuan ang bangkay ni Corpuz na nagtamo ng 43 saksak sa loob ng kaniyang bahay sa bayan ng Silang, Cavite. Pinasok ng mga kaanak ng biktima ang bahay dahil hindi umano siya ma-contact mula pa noong Lunes.

Ayon kay Chief Inspector Resty Soriano, hepe ng Silang police, walang palatandaan na may forced entry o sapilitang pumasok sa bahay kaya maaaring kakilala at kainuman pa ng aktor ang mga salarin.

"'Yong upuan kasi doon is tatlo. So may dalawa siyang kaharap... tapos 'yong damit niya na duguan is nakita na lang doon sa, papasok sa kuwarto niya," ani Soriano.

"Itong victim is bisexual, madalas siyang nag-e-entertain ng bisita niya sa bahay na kadalasan ay kalalakihan," ani Soriano.

Iniimbestigahan din ng pulisya ang mga huling nakausap ng biktima sa Facebook, ani Soriano.

"Tinitingnan namin kung sino 'yong mga ka-conversation niya kasi may nabanggit doon na by 9 p.m. dadalaw sa kaniya," aniya.

Nawawala ang dalawang cellphone at ilang alahas ng biktima, ayon sa pulisya.

Sa CCTV footage na nakuha ng pulisya, bandang alas-8 ng gabi noong Linggo, namataang mag-isang bumili ng alak at sitsirya si Corpuz sa isang convenience store sa Dasmariñas.

Pasado alas-9 ng gabi, makikita sa CCTV ang pagpasok ng kotse ng biktima sa kanilang lugar sa Barangay Biga Uno. Iyon din umano ang huling beses na nakita siya ng mga kapitbahay.

Dalawang lalaki din ang nahagip ng CCTV na tumawid ng kalsada mula sa lugar ni Corpuz bandang alas-2 ng madaling araw noong Lunes. Hindi umano kilala ng mga taga-barangay ang mga ito.

Nakatakdang iburol si Corpuz ngayong gabi ng Miyerkoles sa bahay ng kaniyang ina sa Silang. -- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.