PatrolPH

Batang sangkot sa krimen dapat managot, ayon sa mambabatas

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2018 02:14 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Hindi dapat bine-baby ang kabataang sangkot sa krimen bagkus ay dapat papanagutin sa pamamagitan ng kamay na bakal.

Ito ay ayon kay Capiz 2nd District Rep. Fredenil Castro, na mungkahi ang parusang makapagtutuwid sa mga batang naligaw ng landas. 

"Dapat kamay na bakal na kapakipakinabang sa kanilang edukasyon, sa paghubog sa kanila upang maging mabuting bata na makapag-participate sa lipunan," ayon kay Castro sa panayam sa DZMM Huwebes ng umaga. 

"Kailangan kamay na bakal na maituwid ang pag-iisip na ang kanilang ginagawa ay ‘di mabuti at kailangang parusahan," dagdag niya. 

Ang tinutukoy na parusa ni Castro ay ang pagdala sa mga nagkasalang bata sa isang koreksiyonal tulad ng isang agricultural center.

"'Yung mga batang nire-rehabilitate ay dadalhin doon para maturuan sila kung anong gagawin nila sa agrikultura. Tuturuan sila kung anong dapat maitulong nila sa ating pamahalaan," aniya.

"Maiaayos sila sa isang agricultural center na ang pagiisip nila ay huhubugin kung ano ang magagawa ng isang paslit na bata na nakagawa ng krimen sa lipunan upang maging kapakipakinabang siya in terms of agriculture," ayon kay Castro.

Si Castro ang may akda ng House Bill No. 002 o ang panukalang gawing 9 anyos, sa halip na 15, ang minimum age ng criminal responsibility.

Nakabinbin ang naturang panukala sa Mababang Kapulungan dahil sa hindi pa umano magkasundo ang mga stakeholder ukol dito.

"Walang mas matibay na ebidensiya na kailangang ibalik sa 9 years ang minimum age ng criminal responsibility sa nakikita nating krimen na nagaganap at ginagawa ng isang bata o isang paslit sa lipunan natin araw-araw," paliwanag ni Castro.

Miyerkoles nang mapabalita na isang 14-anyos na lalaki ang nasawi sa away-bata sa Caloocan City. Pinagpapalo umano ng kahoy ang biktima ng 15-anyos na lalaki.

Watch more on iWantTFC

Paliwanag naman ni Tricia Ocol, Executive Director ng Juvenile Justice Welfare Council, puwede nang kasuhan ang suspek sa ilalim ng batas.

"Maaari siyang kasuhan ng murder kung premeditated. Pupunta sa kaniya ang social worker para i-assess siya, iko-confirm 'yung discernment, although usually sa ganitong edad naguumpisa na ang discernment. Kailangan din mag-imbestiga ang pulis dahil kailangan ng ebidensiya para ma-file ng sapat na kaso," sabi ni Ocol sa panayam din sa DZMM.

Dadaan umano ang bata sa criminal justice processes pero dapat ay "child sensitive" ang magiging procedure nito.

Ang batang nasa edad na 15 ay puwede nang kasuhan habang ang 14-anyos pababa ay dadalhin naman sa Bahay Pagasa, isang detention facility para sa mga bata. 

"Although ayaw naming tawaging detention siya kasi tinatanggal natin 'yung stigma, pero kung siya ay 14 puwede siyang i-commit ng judge sa Bahay Pagasa for at least 1 year kahit 'di siya nag-criminal trial para mabigyan siya ng intensive program," ani Ocol.

Mayroong 55 operational Bahay Pagasa sa buong Pilipinas, ayon kay Ocol.

Samantala, patuloy naman na nakikipagdiyalogo sina Ocol sa Kongreso hinggil sa panukalang ibalik sa 9 na taon ang minimum age ng criminal liability.

"Ang sabi namin, give the law a chance. I-fully implement namin. 'Pag nakita namin 'di effective saka natin titingnan ulit kung i-rehash natin 'yung batas," ani Ocol.

Bukod pa dito, hinihiling din ni Ocol sa mga local government unit (LGU) na magtalaga pa ng karagdagang social workers na tututok sa mga kaso ng mga bata.

"Kulang po ang social workers. Mayroon tayong 43,000 LGUs kasama po ang barangay. Ang social worker po na appointed sa buong Pilipinas ay 1,300 lang po," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.