SAPUL SA CCTV: 1 patay sa pagbagsak ng container na karga ng truck

Edgar Escalante, ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2017 01:40 AM | Updated as of Aug 31 2017 09:56 PM

Video courtesy of Mandaue City Command Center

Patay ang isang lalaki matapos matumba ang 40-foot container na karga ng isang trailer truck sa UN Avenue sa Mandaue City, Cebu nitong Miyerkoles.

Kinilala ang biktima bilang si Robert Borlasa, 44, na minamaneho ang kanyang motorsiklo nang mangyari ang insidente.

Makikita sa CCTV na paliko ang trailer truck nang matumba ang kargang container. 

Bumagsak sa lamp post sa center island ang container. Tumama naman ang natumbang lamp post sa isang taxi, isa pang truck, at sa motorsiklo ni Borlasa.

Ang driver ng trailer truck ay kinilalang si Huser Potayre.

Ayon sa Mandaue City Traffic Enforcement Agency, mabilis ang takbo ng truck nang paliko ito kaya tumilapon ang kargang container sa mga sasakyang naghihintay ng go signal.

Dahil sa tindi ng pagkabagsak ng poste kay Borlasa, hindi ito umabot nang buhay sa Mandaue City District Hospital.

Nagdulot ang insidente ng dalawang oras na trapik sa mga motoristang papuntang Lapu-Lapu City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.