PANOORIN: Pinsalang dulot ng giyera sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2017 09:53 PM | Updated as of Aug 30 2017 11:57 PM

Sa ika-100 araw ng krisis sa Marawi, dinala ng mga militar sa unang pagkakataon ang mga miyembro ng media sa kabilang dulo ng Mapandi bridge kung saan nakita nang mas malapitan ang pinsalang dulot ng giyera.

Matinding pagbabantay ang ginawa ng militar sa media nang tumawid ng Mapandi bridge dahil bukas ang tulay sa line of sight ng mga kalaban. Kaya tinakpan ng sako ang isang bahagi nito, para hindi makita ng mga terorista ang mga media. 

Ayon sa commander ng 1st Marine Brigade, mahalaga ang papel ng Mapandi bridge sa kanilang operasyon.

Mas nakapangingilabot sa malapitan ang mga sira-sirang gusali at bahay na dating tinitirhan pa ng mga Maranao.

Kung hindi man tadtad ng bala, sunog na o di kaya'y tuluyan nang napulbos ang ibang gusali. Sa labas ng isa sa mga bahay, mayroon pang tila bungo ng tao.

Nasa 400 pa rin ang bilang ng mga gusaling kailangan pang ma-clear ng militar. 

"Our assumption is that all leaders, especially Isnilon Hapilon, are still in the main battle area," ani Brig. Gen. Rolando Joselito Bautista, commander, Joint Task Force Marawi.

Ginamit din umano ng mga terorista ang mga nagdaang giyera sa Middle East, maging ang Zamboanga siege noong 2013, para mas mapaghandaan ang pag-atake sa Marawi. 

Ilang oras lang mula nang lisanin ng media ang Mapandi bridge, pinaulanan na naman ng airstrike ang main battle area.

Nagtanghal naman si National Youth Commission Undersecretary Aiza Seguerra para sa mga bakwit sa Iligan City.

Umaasa si Seguerra na makakatuwang niya ang mga guro sa pagpapaliwanag sa mga kabataan tungkol sa radikalismo.

--Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.