'Nagtutulak' ng droga sa mga tsuper, arestado

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2017 09:49 PM

Arestado sa isang buy-bust operation sa Cavite nitong Agosto 25 ang isang lalaki na nagbebenta umano ng bawal na gamot sa mga driver ng truck, bus, at jeep. 

Kinilala ang suspek na si Ronel Tulipan, na naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI)-Cavite District Office sa isang gasolinahan sa General Trias, Cavite.

Nakuhanan ng mga awtoridad si Tulipan ng ilang sachet ng shabu.

Ayon sa NBI, madalas nakatambay sa isang gasolinahan si Tulipan, kung saan siya nagbebenta ng ilegal na droga tulad ng methamphetamine hydrochloride o "shabu" sa mga driver.

Mayroon din umano siyang apat pang kasabwat sa Cavite.

Nakitang positibo ang resulta nang isailalim si Tulipan ng mga awtoridad sa drug test.

Napag-alaman din ng NBI na apat na taon nang gumagamit at nagbebenta ng ilegal na droga si Tulipan.

Bagama't umamin ang suspek na gumagamit siya ng droga, itinanggi niyang nagbebenta siya nito sa mga driver ng pampasaherong bus.

Aniya, mga driver ng truck at jeep lang ang binebentahan niya ng bawal na gamot.

Sinampahan si Tulipan ng kasong paggamit at pagbebenta ng ilegal na droga. 

Patuloy ang follow-up operation ng NBI laban sa mga kasabwat ni Tulipan.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.