Mga palengke sa 3 bayan ng Nueva Ecija, na-disinfect na

John Germono, ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2017 04:08 PM

Isang Oplan Kalinisan caravan laban sa posibleng pagkalat ng bird flu ang isinagawa sa mga palengke sa tatlong bayan ng Nueva Ecija.

Isang pribadong veterinary company ang nagsasagawa ng program kung saan unang na-disinfect ang palengke ng Cabiao.

Gamit ang kanilang mga gamot at sprayer, nilibot ng kanilang personnel ang mga kalsadang maaring pamugaran ng mga mikrobyo o bacteria.

Bahagi daw ito ng public service at social responsibility ng kanilang kumpanya.

“Ito ay broad spectrum kaya niyang patayin bacteria, fungi, molds, spores. Tumatagal ito ng 7-10 days sa surface,” sabi ni Marlito Riparip, regional sales and group marketing manager ng VNJ Distributors Inc.

Ayon naman sa market supervisor ng Cabiao, malaking bagay ang ginawang pagdi-disinfect kahit hindi man sila direktang tinamaan ng bird flu.

“May isang barangay kami na affected kaya malaking pasasalamat din namin [sa pag-disinfect],” sabi ni German Nerit, ang market supervisor ng Cabiao.

Parehong proseso rin ang isinagawa ng naturang kumpanya sa palengke ng Jaen at San Isidro na apektado rin ng bird flu.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.