Lalaki, nanaksak ng mga kasalubong, nakapatay ng 5 bago nasukol

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2017 09:31 PM | Updated as of Aug 30 2017 10:27 PM

Pinaiimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) kung may naging kapabayaan ang mga security guard ng isang condominium sa Pasay kung saan nag-amok ang isang lalaki at nakapatay ng limang biktima.

Pasado alas-6 ng gabi nitong Martes, Agosto 29, nagsimulang magwala ang suspek na si Alberto Garan matapos makaaway ang nobyang si Emelyn Sagun.

Sa kuha ng CCTV, kita ang paulit-ulit na pag-unday ng saksak ng suspek sa biktima.

Matapos nito, inihulog ni Garan si Sagun mula sa 14th floor ng gusali, ang Central Park 2 Condominium, na agad ikinamatay ng nobya.

Nakasalubong naman ni Garan ang dating tagapagsalita ng Social Services System at dating mamamahayag na si Joel Palacios na kaniya ring pinagsasaksak hanggang sa mapatay.

Sinaksak din ni Garan ang kinakasama ni Palacios na si Belcris Elorde na ngayo'y naka-confine sa ospital.

Umakyat din si Garan sa isa pang palapag ng gusali kung saan napatay niya ang 12 anyos na si alyas ‘Daisy’.

Sa ika-20 palapag ng gusali, pinagsasaksak naman ng suspek ang magpinsang sina Arlyn Cordero at April Sagarino.

Pitong buwang buntis si Sagarino na inoobserbahan ngayon sa ospital.

Pinasok din ng suspek ang isa pang unit kung saan napatay naman niya sina Ligaya Dimapilis at Leticia Ecsiagan.

Nasa intensive care unit ng isang ospital ang isa pa nilang kasamang si Margie Morales.

Inabot ng limang oras bago tuluyang nasukol at napatay ng mga pulis si Garan sa ika-23 palapag ng gusali.

Nabawi kay Garan ang kalibre .38 baril at ang ginamit niyang panaksak.

12 anyos na lumabas ng elevator, pinagsasaksak

Hustisya ngayon ang panawagan ng ina ni Daisy para sa aniya’y walang saysay na pagkamatay ng kaniyang panganay.

Kuwento ng ginang, paulit-ulit pa niyang tine-text at tinatawagan ang anak dahil sa komosyon sa kanilang gusali. Nagtataka pa siya dahil hindi ito sumasagot.

Laking panlulumo na lang niya nang malamang kabilang na pala ang anak sa mga napatay ng nag-amok na si Garan.

“Uwi na po sa bahay, palabas na po siya ng elevator ng 16th floor, doon po ata nakita ng lalaking 'yon,” kuwento ng ina ng biktima.

Inundayan si Daisy ng saksak sa batok, dibdib, tagiliran at kili-kili na ikinamatay ng dalagita.

Sinisisi ng ginang ang mabagal na pagresponde ng mga security guard sa insidente.

Lalo pang masaklap dahil hanggang ngayon, wala pa ring nakikipag-ugnayan sa kanila mula sa may-ari o pamunuan ng condominium tungkol sa nangyari.

Bukod sa katarungan, nananawagan ang ina ni Daisy ng tulong para maipalibing ang anak.

Presinto, malapit lang sa condo

Ayon sa Pasay City police, maituturing na ‘crime of passion’ ang pag-aamok ni Garan. Tinitingnan ang anggulong nagselos ang suspek kaya biglang nagwala.

Lumabas din sa imbestigasyon na gumagamit umano ng droga ang suspek.

Inatasan na ang PNP-Supervisory Office on Security and Investigation Agencies na magsagawa ng imbestigasyon kung may pagkukulang ang security team ng Central Park 2 Condominium.

Nakalusot kasi ang baril ng suspek na noo'y nakikitulog lang pala sa condo unit ng kaanak ng kanyang nobya.

Hindi rin agad naisumbong sa mga pulis ang krimen.

Sisilipin din pati kakulangan ng mga pulis na rumesponde sa insidente.

Ayon kay National Capital Region Police Office NCRPO chief Oscar Albayalde, napakalapit lang ng himpilan ng pulis sa condominium pero huli na ang lahat bago naisumbong ng mga security guard ang krimen.

Sinibak na muna sa puwesto ang Police Community Precinct commander na si Senior Inspector Edgar Dimaunahan.

-- Ulat nina Jekki Pascual, Kevin Manalo, Raffy Santos, at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.