Dating gobernador, kulong dahil pumayag sa sobrang pagmimina

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2017 11:37 PM

Hinatulang guilty ng Sandiganbayan si dating Palawan Governor Joel Reyes sa kasong graft dahil sa umano'y sobra-sobrang pagmimina noong kaniyang termino.

Sinentensiyahan si Reyes ng anim hanggang walong taong pagkakakulong.

Nag-ugat ang kaso sa pagpayag ni Reyes na ma-extend ang small-scale mining permit ng "Olympic Mines and Development Corporation" (OMDC) na nagdulot umano ng 'over-extraction' at pagmimina ng mahigit 50,000 metriko tonelada ng mga mineral. 

Ayon sa Sandiganbayan Third Division, ang ginawang labis na pagmimina ng OMDC ay nagdulot ng problema sa probinsiya at sa mga taga-Palawan.

Sa depensa naman ni Reyes, inaprubahan lamang niya ang permit
base sa ibinigay na rekomendasyon ng Provincial Mining Regulatory Board (PMRB). Iginiit din niya na bigong mapatunayan ng prosekusiyon ang umano'y 'over-extraction' ng OMDC.

Hindi na rin papayagan si Reyes na makapanilbihan sa gobyerno, ayon sa Sandiganbayan.

Samantala, absuwelto sa kaso si dating PMRB Technical Secretariat Head Andronico Baguyo dahil wala anilang ebidensiyang makapagpapatunay na mayroong partisipasyon si Baguyo sa pagpoproseso at pag-apruba ng mining permit.

Nakatakda ring magsumite ng apela ang kampo ni Reyes sa Sandiganbayan.

-- Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.