Akyat-bahay sa Cainta, Rizal, huli sa CCTV

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2017 09:57 PM | Updated as of Aug 30 2017 10:37 PM

Pinaghahanap na ng pulisya ang notoryus umanong akyat-bahay na nakuhanan pa ng CCTV matapos manloob sa Cainta, Rizal.

Nakita sa kuha ng CCTV nitong Agosto 9 ang lalaking bumababa ng bakod at mabilis na tumakbo bitbit ang ninakaw na cash sa isang tindahan sa Barangay San Isidro, Cainta Rizal. 

Pinasok naman muli ng suspek ang tindahan nitong Agosto 21 pero hindi niya alam na inayos na ng may-ari ang puwesto ng CCTV kaya kita ang mga bag na tinangay ng kawatan na naglalaman ng mga paninda at cash.

Mabilis din umakyat sa bakod ang suspek para makatakas.

Ayon sa biktima na si James Jasmin, apat na beses nang nanloob sa kanilang lugar ang suspek.

“Mabilis lang ‘yung gawa niya, akyat sa bahay, I mean sa bakod. Tapos diretso doon sa tindahan. Hindi kasi siya naka-lock,” ani Jasmin.

Dalawang suspek sa pagnanakaw ng motorsiklo, kilala na

Samantala, nakuhanan din ng CCTV ang lalaki at babae na tumangay sa isang motorsiklo sa Barangay Cupang, Antipolo.

Umaga na nang malaman ng may-ari na wala na ang kaniyang motorsiklo na nakaparada lang sa tapat ng kanilang bahay.

Pero hindi umano ito ang unang insidente ng pagnanakaw ng motorsiklo sa kanilang lugar at may suspek na sila.     

“Marami na po ‘yung nawalan na po ng motor po dito. Panghuli po ‘yung sa akin. Pang-anim na po mula noong June,” kuwento ng may-ari ng natangay na motorsiklo. 

Plano naman ng biktima na sampahan na rin ng kaso ang mga suspek. Inaalam na rin kung sila ang responsable sa iba pang nakawan doon. -- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.